Sunday, May 3, 2009

Kapuluang Halo-Halo!




Sa bandilang ito makikita ninyo ang mga simbolismo na nagbibigay tuon sa katauhan ng isang dating tinatawag na Pilipino at ngayo'y tatawaging Nahalo. Sila ang kumakatawan sa Kapuluang Halo-Halo. Kung bakit nga ba ito ang aming napili ay tutuklasin natin.

Makikita ang mismong halo-halo na madalas kinakain dito sa bansa. Ito'y punung-puno ng mga sangkap na minatamis. Ngunit hindi ito isang ordinaryong halo-halo. Taglay nito ang mga sangkap na nagbibigay hulugan kung sino ba talaga tayo. Ano ba ang mga bagay na may tatak Pinoy/Nahalo? Sa dinami-dami ng pinagdaanan natin, marami na tayong mga bagay na inangkin at matatawag na sariling atin. Ang kadalasang pumapasok sa ating isipan kapag ito ang pag-uusapan ay ang Philippine Eagle, mangga, dyip o di kaya'y ang Rizal monument. Ngunit hindi ito dapat. Tayo'y lumakbay na ng napakahabang panahon. Tayo'y dumaan na sa panibagong ebolusyon-- ang kasalukuyan. Nararapat lamang na ang mga bagay na piliin natin bilang simbolo ay ang mga angkop sa panahon. Hindi dahil sa mali na ang nakasanayan, kung hindi, dapat ihalo ang nakaraan sa kasalukuyan. Kabilang na sa mga bagay na tama para rito ay ang cellphone, boxing glove, friendster at lechon. Ito'y mga di karaniwang ginagamit bilang simbolo, ngunit taglay parin nila ang pagka-Pinoy o pagka-Nahalo.

Iba’t ibang lahok na pinagsama-sama, makakabuo ng isang napakasarap na panghimagas, ang halo-halo. Maraming pagkakapareho ang halo-halo at ang ating bansa.


Ang ating bansa ay katulad ng halo-halo na maraming lahok. Mula sa iba’t ibang lahok, may iba’t ibang lasa at kulay. Iba’t iba man ang ating pinanggalingan, nalilinang natin ang ating mga kakayahan at katangian upang masabing binigkis tayo ng kapalaran. Iba’t iba man ang pakikiulayaw at pamamaraan [sa paggawa], may kung anong uri ng impluwensiya na nananalaytay sa ating sistema upang tawagin tayong ISA. Mayroon tayong iisang kasaysayang pinaghuhugutan ng pagkakaisang ito. Mula sa pagkakaisa upang subuking palayasin ang mga tampalasang banyaga, hanggang sa pagtapos sa isang diktadurya, hanggang sa sama-samang panonood ng laban mula pa sa Nevada.


Tulad ng halo-halo na sa maaaring iprepara gamit ang iba’t ibang lahok, taglay natin ang pagkamalikhain. Masyadong malikot ang ating kaisipan; kung minsan nga ay hindi na angkop, nagagawa pa rin nating ipilit. May mga debotong Katoliko na panatiko rin ng Feng-Shui. Meron din naming mga nagpapaliban ng kasal at nagsasama na sa iisang bubong dahil takot silang sukubin ang kasal [nilang dalawang magkapatid]. Napapansin mo rin ba kung ilang kulay ng pintura ang ginagamit sa ating jeepney? At ang mga dekorasyon nitong pinaghalo-halo rin—-may stuffed toys, parol, agimat, rosary, pusang kumakaway nang pauna, krusipiho, pusang kumakaway pauna ulit, palakang may subong barya, pusang kumakaway pauna….. At saan ka nakakita, ‘ika nga sa isang awitin, “politikong gustong mag-artista [at actually, vice-versa]?” Onli hir in the Kapuluang Halo-Halo! Grabe, hanep sa “specialization skills” ang mga taong katulad nila. Hindi makuntento sa iisang “pinagkakakitaan”. Kaya naman, kung pagsasama-samahin mo ang lahat ng pinagsama-samang paniniwalang ito, may kung ilang combinations ang mabubuo!


Pero hindi natatapos diyan ang ating usapan. May kagandahan din ang sobra nating pagkamalikhain. Dahil sa kakulangan ng mga pinagkukununan [o resources], nakakagawa tayo ng paraan sa gitna ng kahirapan. Kaya nating pasanin ang anumang problema. Anong lahi sa mundo ang nakakapagkasya ng isang dosenang pasahero sa iisang tricycle? Saan ka nakakita ng mga taong ginagamit na substitute iyong “Boy Bawang” o “Lala” [fish crackers] para may pang-ulam sa kanin? At iyong mga taong pinipiling iwan ang kanilang pamilya upang mangibang-bansa para may haraping maayos na kinabukasan? Ganyan talaga tayo, matiisin at maparaan.


[Kaya nga kahit mismong whistleblowers na ang nakukulong, pinipili pa rin nating magbulag-bulagan; habang iyong may mga kasalanan, sila pa’ng may ganang mang-akusa. Pambihira, hindi ba?] Kung titingnan din ang halo-halo, umiibabaw/nakalutang ang mga yelo at sabaw, samantalang ang mismong lahok [taglay ang lasa at buhay] ay napapasailalim. Ganito ang kalakaran dito sa atin. Kung sino ang mga walang nagagawa, sila iyong nananatiling nasa itaas. Kung sino ang may libog para sa pag-unlad, sila ang mga tinatapak-tapakan.




IKAW, nasaan KA sa [Kapuluang] Halo-Halo?



*****

-PANGKATANG GAWAIN

No comments:

Post a Comment