Gabi ng ika-29 ng Disyembre, 1896. Malamig ang simoy ng hangin. Habang ang lahat ay naghahanda para sa paparating na bagong taon, narito ako sa Fort Santiago—nakakulong at babarilin sa Luneta sa salang sedisyon. Takot na takot ang mga mananakop sa mga pag-aalsang maaaring magdikta ng kanilang pagkapalis kaya kahit akong hindi kasangkot sa KKK, nadawit at handang ipapatay nang walang basehan. Nakakalungkot. Nakakabugnot. Waring luhang dumadampi sa aking mga pisngi ang hamog ngayong dapit-hapon. Waring tuluyan nang namamaalam ang mga dahong kumakaway sa hampas ng nanununot-sa-butong hangin. Waring nagngangalit ang mapulang ulap sa panggagahaman [ng mga Kastila] sa mga anak ng bayan.
Kanina lamang, dumating dito ang isang guwardiya-sibil upang itanong sa akin kung ano ang nais kong kainin sa hapunan. Tutal naman daw ay huling gabi na ito ng aking buhay, sagot na ng kanilang pinuno ang anumang naisin kong kanin. Hmm… Ano nga kaya ang masarap kainin kapag ganito kalamig? Ah, alam ko na! Iyong may masarap at mainit na sabaw!
Tinola? Pwede! Oo, tinola nga. Ah, teka, gagawa ako ng liham para sa pinuno ng mga guwardiya-sibil. Huling pagkakataon ko na ito upang ipamukha sa kanya ang mga kalabisang ginagawa nila sa akin at sa Fiipinas. Buti na lamang at pinayagan nila akong magkaroon ng suplay ng papel at panulat rito. Baka mawalan ako ng bait kung hindi ko maipahayag ang aking saloobin kung pati ang mga bagay na tulad nito ay ipagkakait pa nila. Mga tampalasan.
At ito ang daloy ng aking sulat:
G. Guwardiya-Sibil,
Narito ang isang kahingian mula sa isang anak ng bayan na inyong nilapastangan. Nais ko sanang hingin bilang hapunan ang isang kaldero ng masarap, mainit at puro-lamang tinola. Maaaring itinatanong ninyo kung bakit. Kung mapapansin ninyo sa aking akdang Noli me Tangere, ginamit ko rin ang tinola sa isang pagtitipon. At sinadya kong ibigay sa karakter ni Padre Damaso ang pakpak ng manok. Pakpak, mga paa, at leeg ang bagay na napupunta sa mga katulad niyang ganid. Katulad ninyo. Bukod sa mga bahaging walang laman, ang nararapat sa mga katulad ninyo’y masabaw at walang lasang tinola. Puro kayo salita at pangangaral, wala naman kayong naidudulot na maganda sa AMING bayan. Bagkus, pulos pagpapahirap at sakit ang ibinibigay sa amin. Bagay rin sa inyo ang malamig na tinola. Wala kayong pag-aalab na paunlarin ang Espanya sapagkat ginagawa ninyo ang mga patakarang pang-ekonomiya para rin lamang sa inyong sariling interes.
Kaming mga itinuring ninyong alipin, kami ang nararapat magtamasa ng masarap, malaman, mainit na pagkain sapagkat bunga ng aming mga pagtitiyaga ang kung anumang kapangyarihan at kayamanang tinatamasa ninyo ngayon. May pagmamahal kami sa Inang Bayan at iniisip namin ang kapakanan ng bawat isa. Pinilipilit namin [lalo ng ng aming samahan sa Propaganda] na gawing patas ang pagtingin ninyo sa amin, subalit pinipili ng mga sukab na paris ninyo ang manggamit at magkapasasa sa yamang hindi naman inyo….
Kaya para sa aking huling hapunan, nais kong ipagluto mo ako ng tinola. Masarap, malinamnam, malaman, at mainit na tinola. At sa pagkain, iisipin kong kayo ang manok na kinakain ko: mga kunwaring palaban subalit sa loob ay duwag naman.
--J. P. Rizal
*****
ambag ni:
VALENTON, Tresa M.
Wednesday, May 13, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment