Wednesday, April 29, 2009

Yabang sa Gitna ng Gutom

Maganda talaga ang Hotel Husa Princesa, isang five-star hotel dito sa Espanya. Kasama ko si Juan Luna na maghahapunan doon kahit wala akong pera. Di bale, anu't ano man, gagawa ako ng paraan...


Ayan, parating na si Juan. Apat na buwan kaming hindi nagkikita. Apat na buwan na rin mula ng mapanalunan niya ang timpalak Exposicion Nacional de Bellas Artes na ginaganap kada tatlong tao dito rin sa Espanya. Sana may tira pa sa napanalunan niya para ilibre man lang niya ako. Pero matagal-tagal na 'yon. Baka tulad ko'y mahirap pa sa daga ang taong ito. Mukhang mahirap pa nga sa daga. Ano ba naman ang taong ito, hindi man lamang bumiste nang maayos-ayos para naman kahit sa pananamit ay magmukhang may sinabi siya. Hindi makatulad sa akin, tsk, tsk, tsk.


"Hi Juan! Kumusta ka na? Binabati kita sa pagkapanalo mo. Mahusay, mahusay!... Sige, pipili na rin ako ng makakain. Ano bang masarap? Ah, itong callos, mukhang masarap... Magkano ba ito, waiter?" *napaubo sa mahal ng callos* "Ah, 1000 pesos pala." *hindi makapaniwala* "Mahal nga..."


Hindi ko alam kung dapat kong tanungin si Juan kung may pera siya dahil pupulutin kami sa kangkungan kapag wala rin siyang pambayad...


"Juan, siguro mayaman ka na, ano? Malaki rin ang napanalunan mo sa Eksposisyon, di ba?.... Naku, 'wag mo nga akong biruin. Sa pananamit lang ako nagmumukhang mayaman. Pero IKAW na talaga ang yumaman at mayaman. *sabay halakhak* Naks naman... Ilibre mo naman ako. Mayaman ka na e! Sige ne, libre na..."


Naku, mukhang nagsasabi nga ng totoo ang mokong na ito. Paano na ako makakakain? Hindi lang ako nalipasan ng gutom. Panis na ito [ang gutom], kumbaga.


"Juan, *bumubulong* yung totoo, may pambayad ka ba kung sakali? Yung totoo lang, please?.... Wala? O sige, ako na ang bahala."


*dumating ang pagkain*


Lalagyan ko ng buhok ang callos ko. Hindi ako maaaring mapahiya. Kailangang magpanggap na SILA ang may kasalanan. Kailangang makaalis dito nang may mukhang maihaharap sa tao. Kailangang maipakita kong metikuloso ako pagdating sa pagkain at hindi panghihinayangang iwan ang isang five-star restaurant na gaya nito. MAYABANG ako. Totoo. Ayokong napapahiya. Di bale nang hindi makakain, basta't may nakakakitang kaya kong pumasok sa isang mamahaling restaurant, na kaya kong makipagsabayan sa kalakaran dito sa Espanya. Ayokong umuwi sa Pilipinas. Gusto ko silang papaniwalaing maganda ang buhay dito at higit sa lahat, nakakasabay ako sa agos.... Kaya bago pa makasubo itong si Juan, gagawa na ako ng eksena...




- J.P. Rizal






[pesimistikong] ambag ni:

VALENTON, Tresa M.

:P

No comments:

Post a Comment