Sunday, April 26, 2009

“Tap before you get hurt.”

May mga taong nagtutulakan samantalang ang iba’y naghihilahan. May mga nakahiga samantalang ang iba’y nakatayo. May mga taong magkapatong. May ilang hawak ang isa’t isa sa leeg na para bang nagpapatayan sila.

BLAG! Sandaling katahimikan. BLAG! Don’t forget to slam!

Iyan ang eksenang napapanood at naririnig ko tuwing nagagawi ako sa isang kuwarto sa ikalawang palapag ng kanang bahagi ng gym. Dito, maglalaro ka nang walang suot na sapatos o tsinelas. Dito, maaari kang humiga at magpagulung-gulong. Dito, nakadarama ako ng matinding kaba dahil maaari akong mabalian ng buto anumang oras. Ito ang Dojo ng Judo.

Ang Dojo ang lugar kung saan pinag-aaralan ng mga Judoka - tawag sa mga nag-aaral ng Judo - ang itinuturong galaw o technique ng kanilang guro na karaniwang tinatawag na Coach.

Sandali lamang ang unang pagkikita ng aming klase sa Judo. Wala pa kasi kaming Gi na dapat naming isuot kapag klase ng Judo. Tiningnan lamang ni Coach kung naroon lahat ng mga nakalista sa talaan ng mga estudyante, binigyan kami ng kopya ng maikling kasaysayan ng Judo at kanyang ipinaliwanag, at pinaalis na rin.

Sandali rin lamang ang ikalawa naming pagkikita. Kinuha lamang niya ang sukat ng aming Gi, hiningi ang aming bayad at pinaalis na rin. Binigyan niya kami ng freecut noong sumunod na pagkikita dahil hindi niya pa kami matuturuan sapagkat wala pa kaming Gi. Nang dumating na ang aming Gi, tinuruan niya muna kaming itali nang maayos ang aming sinturon at sinabi niya sa amin ang mga dapat at hindi dapat gawin kapag nasa loob ng Dojo at kapag naglalaban na sa sparring.

Naging masaya ang mga naunang pagkikita namin hanggang sa tinuruan niya kami ng Judo roll. Una yaong sinubok ng aking kapareha. Nagawa niya naman ngunit hindi raw wasto sabi ni Coach. Noong ako na ang susubok, KLOK! Nakarinig ako ng isang tunog na hindi ko alam kung saan nagmula, ngunit narinig din pala iyon ng aming Coach at agad niya iyong nakilala. Nagmula pala ang tunog sa katabi naming kaklase na sinubok gawin ang roll ngunit mali ang kanyang porma maging ang bagsak ng kanyang katawan kaya sinalo ng kanyang kanang balikat ang buo niyang bigat at dahil dito ay nawala sa ayos ang kanyang buto. Binigyan kami ni Coach ng ilang mga paalala ukol sa paggawa ng roll at saka tinapos ang aming klase sa araw na iyon dahil kailangan niyang dalhin sa ospital ang estudyanteng naaksidente. Natakot na ako sa Judo simula noon.

Lumipas ang ilang araw ng Judo. Naituro na sa amin ang mga Osae Komi o mga posisyong maaari mong gamitin upang matalo mo ang iyong kalaban, at nagsimula na kami sa sparring. Natalo ko naman ang aking kalaban noon at naging masaya ako sa aking pagkapanalo. Sunod naming pinanood ang laban ng aming Coach sa isa naming kaklase. Nagulat kami at namangha sa bilis ng labanan nila. Wala pang isang minuto ay tapos na ang laban dahil napatumba kaagad siya ng aming Coach. Nilabanan naman siya ng isa pa naming kaklaseng si Juan. Masaya ang naging labanan nila. Naghiyawan ang lahat nang makita namin ang tap ni Coach kay Juan. Ipinahihiwatig ng tap na iyon na sumusuko na si Coach sa kanilang labanan. Gaya nga ng sabi niya, “Tap before you get hurt.”

Unti-unting nawala ang takot ko sa Judo at bumalik ang aking interes. Simula noon ay naging masaya na ang bawat araw ng Judo sa akin at tila bitin pa ako sa isang oras ng aming klase. Naisip ko na maikli lamang ang aking pag-aaral ng Judo kaya hindi ko dapat sayangin ang panahon upang maging masaya sa isports na ito.

Wala naman pala talaga akong dapat na ikatakot sa Judo dahil wala namang kinalaman ang Judo sa kung ano man ang mangyayari sa akin. Kung mabalian man ako ng buto, kasalanan ko iyon dahil may mali sa proseso ng paggawa ko nito.

Hindi tayo dapat matakot na sumubok ng mga isports o laro na labas sa ating comfort zone o yaong hindi natin mapili dahil maraming maaaring mangyari sa iyo na ikinatatakot mo.

Masaya ang Judo. Subukin niyo ito.


- J.P. Rizal

_________________________
Darlene S. Madlangbayan

No comments:

Post a Comment