Thursday, April 23, 2009

Kurso at Diskurso

Kanina lamang, nagkuwento nga sa akin ang kaibigan kong si Ibarra. Mayroon umanong gurong lumapit sa kanya, hinaing ang biglaang pag-unti ng mga batang pumapasok sa paaralang pinatatakbo ng mga Prayle. Paano na ang kabataang pag-asa ng bayan? Saan na sila tutungo? Mayroon pa ba silang patutunguhan?

Walang hinaharap na kinabukasan ang Filipinas sa mga garapal na paring katulad nina Damaso. Daig pa sa mga hayop ang turing nila sa ating lahi. Walang pakundangan sa paggahasa sa bayang hindi naman kanila. Walang habas sa pag-alimura lalo na sa sumusupling na pagkatao ng mga anak ng bayan. Unti-unting sinisira ng bulok na sistema ng pagtuturo ang kumpiyansa at matinong pag-iisip ng kabataan. Wala na nga silang natututuhan, dagok pa sa kanilang dignidad ang mga pasaring ng mga gurong [kung guro man ngang maituturing] Prayle. Animo silang mga diyos na nangangaral kapag nasa pulpito; kapag nasa klase nama’y waring mga walang-diyos kung makaasta sa panlalait sa mga batang tulad ni Placido Penitente. Maraming bata ang natatakot nang pumasok dahil sa bagsik ng pamamalakad. Sino ba naman ang matututo kung alam mong may nakaantabay na pamalo na maaaring magdulot ng hapdi sa alinmang parte ng katawan sa bawat maling sagot na lalabas sa bibig? Sino ba naman ang magiging “edukado” kung alam ng tinuturuang mababa ang tingin sa kanya ng nagtuturo? Hindi ba’t wala? Paano matututo ang mga bata kung ang wikang panturo ay wikang banyaga? Sapilitang ipinasasaulo sa kanila ang konsepto ng siyensiya, matematika, relihiyon, etika, atbp. sa wikang Kastila.

Ngayong magkokolehiyo na ako, gusto kong kunin ang AB Education. Kulang na kulang ang Filipinas sa mga gurong makapagbibigay-kaalaman sa kabataan. Nais kong kunin bilang major ang Pisika upang hindi na magdadalawang-isip sa pagsagot NANG TAMA ang mga mag-aaral na tulad ni Pelaez. Isang makabuluhang aralin ang Pisika. Sinosolusyunan nito hindi lamang ang mga problemang pang-matematika; binibigyang-kabuluhan din nito ang mga batas na likas tulad ng Law of Action and Reaction. Sa tulong ng Pisika, hindi lamang intelektuwal na aspekto ang nahahasa kundi pati na rin ang damdaming makabayan. Kapag may aksiyon--pang-aabuso sa karapatang pantao, nararapat na magkaroon ng reaksiyon-- rebolusyon. Nakapagbibigay ito ng analisis sa mga bagay na maaaring hindi tuwirang nakikita [dahil sa pagbubulag-bulagan] ngunit patuloy na nagpapahirap sa ating kapwa. Nais kong ipamukha ng mga anak ng bayan sa mga mapaniil na ang Filipino ay hindi pasusupil.

Bukod sa Pisika, nais ko sanang kunin bilang minor ang wikang Filipino. Nais kong mapanumbalik ang sigla ng mga mag-aaral sa pag-aaral ng wikang kanilang kinagisnan. Kasama ko ang mga magiging mag-aaral ko na lilinang sa wikang aming kinagisnan, ang Tagalog. Nais kong malamang ang adbokasiyang ito ay makapagdudulot sa mga kapatid kong Cebuano, Bicolano, Ilokano, Davaoeño, atbp. na linangin din ang kanilang sariling wika upang muli, ipakita sa mga Kastila na hindi natin basta-basta kalilimutan ang wikang kinagisnan.

Nawa’y patnubayan ako ng Poong Maykapal sa mga pangarap na ito para sa bansang Filipinas.




- J.P. Rizal




*****

ambag ni:
VALENTON, Tresa M.

No comments:

Post a Comment