Thursday, April 23, 2009

First Day Funk

Habang ako’y naglalakad papunta sa aking silid-aralan hawak ang aking regform, hindi ko maitago sa aking sarili ang galak at kasiyahan na nanggagaling mula sa aking puso. Malinaw ang lahat sa akin, alam ko na ito na ang magiging simula ng aking pagsasakatuparan ng aking mga pangarap. Sa ngayon, ako’y handa nang matuto, handa nang manghinusay.

Nang aking tignan ang aking reloj de pulsera, ako’y nagitla na ilang minuto na lamang at magsisimula na ang aking unang klase. ¡Caramba! Dali-dali akong nanakbo dahil hindi ko ginustong mahuli sa unang araw ng aking klase. Takbo, takbo, pabilis nang pabilis. Hindi ko na napansin ang mga tao sa aking paligid dahil ang tanging nasa isip ko lamang ay kailangan kong makarating sa aking silid-aralan sa takdang oras. Pinilit kong tumakbo ng kaytulin, hanggang sa…. BLAG. Aray ko po! “Lo siento”, ito na lamang ang namutawi sa aking mga labi habang ako’y tumatayo. Sa aking pagmamadali, hindi ko napansin ang guardia civil sa aking dinaraanan. Masama ang kanyang tingin sa akin. Tinignan nia ako mula ulo hanggang paa. Mayroon siyang binanggit ngunit hindi ko narinig. “¿Perdone?”, ang sabi ko. Inulit niya ang kanyang sinabi, ako’y namutla at pinagpawisan ng malamig dahil sa kanyang sinabi. **P@!$%^?>, nasaan ang ID ko?** Sa hindi ko maintindihang dahilan, nabigyan ako ng hold order dahil sa hindi ko pagsuot ng aking ID sa unang araw ng klase.Badtrip naman. Hindi ito makatarungan. Marahil napag-initan lamang ako ng taong iyon dahil sa nabunggo ko siya. Hindi ko alam. Pero hindi ako papayag. Hindi pa ito tapos. Ngunit, dahil nga sa ako’y mahuhuli na sa klase, hinayaan ko na lamang siya at pinangako sa sarili na balang araw ay gaganti ako sa kanya.

Pagdating ko sa silid-aralan, haggard na haggard ako. Pinasya kong umupo sa bandang-likuran dahil mayroon nang nakaupo sa harapan. Kaya hindi ko gustong nahuhuli e. Dumating na ang aming guro. Hindi naman tumagal ang klase dahil nagpakilala lamang siya at kinilala rin niya kami isa-isa. Malugod niya kaming tinanggap sa universidad at nagbigay din siya ng konting tips upang magtagal daw kami sa Ateneo. Isa na dito ang pagsali namin sa organisasyon.

Matapos ang klase, sama-sama kami ng aking mga kamag-aral na nagtungo sa lugar kung saan naroroon ang mga organisasyon. Kaydaming organisasyon ang tumatanggap ng mga bagong aplikante at hindi ako makapagpasya kung saan ako lalahok. Matapos ang ilang minutong pag-iikot upang magtingin-tingin, napagpasyahan kong sumali sa Matanglawin at CADS. Bakit? Una, kaaya-aya para sa akin ang tanawin ng Matanglawin. “Kailangan ang mga matang nangangahas tumitig at magsuri sa paligid. Kailangan ang isang tanglaw ng katotohanan sa gitna ng dilim na laganap na pambubulag at pagbubulag-bulagan. Kailangan ang mga kuko ng lawing daragit sa mga dagang ngumangatngat sa yaman ng bansa at ahas na lumilingkis sa dangal at karapatan ng mga maralita.” Sa pamamagitan ng panulat, malaya kong maipapahayag ang aking mga kuro-kuro tungkol sa mga mahahalagang bagay na nangyayari sa ating bansa. Maaari na rin akong gumanti sa guardia civil na iyon! Hahaha! Mapang-abuso sa kapangyarihan! Hindi ko papayagan ang kahit na gaano kaliit na power tripping tulad nun.Bago ko makalimutan, marahil nagtataka kayo kung bakit Tagalog ang ginamit ko para sa blog na ‘to. Sabihin nating ito na ang isa sa mga paraan ng aking pagsasanay upang maging magaling na manunulat ng Matanglawin.

Sa pangalawang organisasyon naman, bukod sa magaling akong sumayaw, *ehem ehem*, narinig ko na marami daw naggagandahang mga binibini sa CADS. Ay, sandali. Wala nga palang mga kababaihan sa aming paaralan. Isang kahuwaran! Hmpf! Kakalimutan ko na lamang ang pagsali sa organisasyong ito.

Isang napakahabang araw na dapat suklian ng isang masarap na pahinga.

¡Buenas noches!

¡Hasta otra!

- Jose P. Rizal
__________________________
Marie Antonette C. Roxas

1 comment:

  1. hi groupmates!. :)
    message na lang kayo kung may comment kayo. :D
    ang risky nito. :D
    thanks..

    ReplyDelete